in

Overtime sa domestic job: ang gabay sa mga colf at badante

Pubbicazione 26/02/2021 11:14 - Aggiornamento 02/03/2021 10:17

Bilang colf o badante ay maaaring kailanganing magtrabaho nang higit sa napagkasunduang oras, maaaring sa araw o sa gabi, maliban na lamang kung may balidong dahilan para ito ay tanggihan. Gayunpaman, ang oras ng pahinga araw-araw ng mga colf at badante, ang tinatawag na ‘riposo’ ay hindi dapat maapektuhan ng overtime. Narito ang gabay para sa mga colf at badante na nata-trabaho sa Italya.

Itinuturing na overtime ng mga colf at badante ang labis na oras ng trabaho, sa maximum na oras na itinalaga ng CCNL sa araw-araw o kada linggo, maliban na lamang kung napagkasunduan ng employer at worker na ito ay para mabawi ang mga oras na hindi ipinagtrabaho ng colf. 

Ano ang tinutukoy na overtime ng mga colf at badante? 

Ang karagdagang oras ng trabaho ay tinutukoy na overtime kung:

  • Lampas sa maximum na oras ng trabaho na pinahihintulutan sa araw-araw o lingguhan,
  • Panahon ng pista opisyal na kinikilala ng batas.

(Maliban kung ito ay isang kasunduan upang mabawi ang mga oras na hindi ipinagtrabaho ng colf). 

Ang oras ng trabaho kapag working days na lampas sa napagkasunduang oras, ay maituturing lamang na overtime kung lalampas sa maximum ng pinahihintulutang oras na itinalaga sa araw-araw at lingguhan. 

Samakatwid, ang mga oras na ipinagtrabaho bukod sa napagkasunduang oras, ngunit nasa loob naman ng maximum na limitasyon, ay hindi maituturing na overtime. 

Ang overtime ay:

  • maaaring hingin kung alinsunod sa ilang kundisyon,
  • ang maximum na oras ay pinahihintulutan,
  • may karagdagang bayad.

Ang lahat ng mga nabanggit ay dapat na malinaw na nasasaad sa lettera d’assunzione o hiring letter. 

Mga Kundisyon

Ang karagdagang oras ng trabaho o overtime ay kailangang hingin sa colf nang may isang araw o 24 oras na abiso, maliban sa kaso ng emerhensya o hindi inaasahang pangyayari. 

Maaaring tumangging gampanan ang overtime bilang colf o badante kung may balidong dahilan.

Sa kaso ng emerhensiya, ang mga oras na ipinagtrabaho sa oras ng riposo o pahinga sa gabi at araw ay itinuturing na normal na oras ng trabaho at hindi overtime at ito ay magbibigay lamang ng karapatan sa pagpapahaba ng oras ng pahinga. Gayunpaman, ang nasabing serbisyo ay dapat na minsan lang at hindi inaasahan. 

Maaaring kailanganing magtrabaho ng colf at badante nang lampas sa normal na oras ng trabaho, sa araw o sa gabi, maliban na lamang kung may balidong dahilan para ito ay tanggihan. Ngunit ang oras ng pahinga araw-araw ng mga colf at badante, ang tinatawag na ‘riposoay hindi dapat maapektuhan ng overtime. 

Tandaaan na ang isang araw na day off ng mga colf at badante sa isang linggo ay obligado. Kung ang serbisyo ay mahigpit na kailangan dahil sa hindi inaasahang pagkakataon at kailangang gampanan sa araw ng Linggo o pista opisyal, ang oras ng dayoff na hindi naipahinga sa araw ng Linggo ay dapat na mabawi sa sumunod na araw. 

Maximum na oras ng overtime

Ang maximum na oras ng overtime na maaaring hilingin ng employer sa colf ay:

  • Part-time job: Hindi lalampas sa 44 na oras ng trabaho bawat linggo (40 oras ng normal na trabaho + 4 na oras ng overtime);
  • Live-in: Hindi itinalaga ang maximum na oras ng trabaho. Ngunit maaaring isaalang-alang ng employer ang mga sumusunod:
  • ang karapatan ng colf sa 11 oras ng tuluy-tuloy na pahinga sa buong araw;
  • ang karapatan sa 2 oras na pahinga, kung ang oras ng ptrabaho ay hindi buo sa pagitan ng 6-14 o 14-22;
  • ang maximum na limitasyon ng lingguhang oras ng trabaho na pinahihintulutan (54 na oras o 30 oras, depende sa antas ng trabaho).

Ang oras ng trabaho na lampas sa maximum na pinahihintulutang oras kada linggo para sa mga naka-live in ay itinuturing na overtime at dapat bayaran ng higit.  

Ang oras ng trabaho na lampas sa napagkasunduang oras sa hiring ngunit nasa napapaloob sa limitasyong nabanggit ay babayaran ng regular na sweldo. 

Halimbawa:

Ang naka live-in na colf na nasa ilalim ng regular na kontrata: maximum na bilang ng oras ng trabaho na pinapahintulutan = 54 oras.

a) napagkasunduang oras ng trabaho kada lingo ay 40 oras.

Kung ang employer ay humiling sa colf na magtrabaho ng karagdagang 10 oras bukod sa napagkasunduan, kahit pa ito ay overtime dahil ito ay karagdagan sa napagkasunduang oras ng trabaho, ay hindi maituturing na overtime at hindi rin babayaran ng higit. Dahil ang sumatutal ng napagkasunduang oras ay 40 oras at dadagdagan ng 10 oras ay 50 oras na trabaho at ito ay hindi lampas sa itinakdang oras ng trabaho kada linggo na pinahihintulutan ng CCNL, na 54 oras. Samakatwid ang karagdagang 10 oras ay babayaran ng regular na sweldo. 

b) napagkasunduang oras ay 48 oras 

Kung ang napagkasunduang oras ng trabaho kada linggo ng colf ay 48 oras at ang employer ay humiling ng karagdagang 10 oras sa isang linggo. Ang kabuuang bilang ng oras ng trabaho ay 58 at ito ay lampas sa 54 hrs na itinakdang oras ng trabaho ng CCNL. Sa kasong ito, ang 54 hrs ay babayaran ng regular habang ang 4 na oras na natitira ay babayaran bilang overtime. 

Karagdagang sahod ng Overtime

Ang overtime ay binabayaran sa pamamagitan ng partikular na batayan ng sahod, maliban na lamang kung napagkasunduan na ang karagdagang oras ng trabaho ay upang mabawi ang oras na hindi ipinagtrabaho.

Sa kaso ng overtime, ang sahod kada oras ng colf ay dapat dagdagan batay sa oras nito:

  • 25% mula 6am hanggang 10pm (simpleng overtime),
  • 50% mula 10pm hanggang 6am (night overtime),
  • 60% kung Linggo o piyesta opisyal (holiday overtime) 

Ang mga oras ng trabaho ng mga part-timer na higit sa 40 oras at hanggang 44 na oras bawat linggo, mula 6am hanggang 10pm, ay babayaran ng may dagdag ng 10%.

Ang mga oras ng trabaho na lampas sa napagkasunduang oras, ngunit napapaloob sa itinalagang oras ng batas ay babayaran bilang regular na trabaho at walang karagdagang halaga.

PAALALA: Ang overtime ay dapat na isang pambihirang pangyayari lamang. 

Sa kasong ang karagdagang oras ng trabaho ay hinihiling palagi ng employer, ay kailangang baguhin ang employment contract at ang pagbabagong ito ay kailangang ipagbigay-alam sa Inps. 

Source:

CCNL Lavoro domestico –  Art. 15 Lavoro straordinario

Minimi retributivi 2021

Minimum salary 2021 sa domestic job

Livelli di inquadramento

Ang lebel o antas ng trabaho sa domestic job